ang gusto ko sana, isulat ang kwento mo. para maipagmalaki ko sa mundo kung gaano ka kagaling. at kung gaano ka kahusay. gusto kong isipin na isa ako sa mga pinalad na makilala ka ng lubos. at masaksihan ng halos buo ang lahat ng laban na sinabak mo. gusto kong ilarawan ang lahat ng sugat na tiniis mo ang sakit. kung paanong ang iba dito ay naghilom na, at ang ilan ay mananatiling sariwa. gusto kong ikuwento na sa maraming yugto ng buhay mo, sa mga nakasubaybay, marami ang humanga, may ilan ding naghusga. may mga natuwa na makita kang matagumpay, at ang ilan ay naghihintay pa ng pagbaliktad ng tadhana, kung paano ka, sa gitna ng lahat ng ito, nanatiling hindi natitinag. alam ko namang may mga panahong nakaramdam ka ng panghihina, pero madalas tinatalo mo pati ang sarili mo, pinangingibabawan ang lahat ng takot at itinutuloy ang laban ng walang pagdadalawang isip. handa ulit sa lahat ng haharaping hirap at pasakit. handa ulit na hangaan o husgahan. handa ulit sa lahat, anuman ang naghihintay.
ang gusto ko sana, ikwento ang buhay na isinulat mo. gamit ang sangkaterbang pawis at di birong tagas dugo sa gitna ng kumakalam na tiyan, walang yaman na ipagmamalaki, tangan lang ang talino at tapang.
pero may takot ako. baka hindi nila maintindihan. pano ba gagawing kuwento ang buhay na buhay din ang puhunan? hindi sasapat ang mga salitang natutunan ko. hindi papantay ang lahat ng natutunan sa eskwelahan sa buhay mong karanasan.
siguro, sa ngayon, sapat munang malaman mo, sa aming lahat na nagmamahal sayo at sa aming lahat na minamahal mo, hindi masasayang lahat ng hirap, hindi matatapon ang pawis at dugong ibinigay mo sa lahat mong laban, hindi matatapos ang kuwento. patuloy ka naming sasaksaihan, susubaybayan at aalalayan. patuloy ka naming ipagmamalaki. at sa paraang kaya namin, hindi man katumbas ng kaya mo, patuloy ka naming ipaglalaban.
Hi, Vena! I am sure that your Father is extremely overjoyed with what you have written.
ReplyDeletethanks jen :) sana nga mabasa hanggang ngayon typewriter gamit nun eh hehe
ReplyDelete