Tuesday, September 30, 2014
ala-alang hindi mapapagod
Banayad na alon ng ilog
Sa araw na walang hudyat
Animo’y kaibigan
Sa buhay – kapwa, bato at halaman
Humahagod, humuhuni
Nakikiniig sa lupa
Sinong nag-akalang
Darating ang daluyong na aanod
Sa mga pangarap,
Sa kakarampot na yamang pundar
Sa simpleng ayos ng buhay
Sa payapang paghimlay
Kasabay ng pagpatak ng ulan
Ang pag-agas ng mga luha,
Ang pagharap sa hamon
na mangibabaw ang lakas ng loob at isip,
Ang pagdaig sa takot,
Ang pag-akap sa pananalig
Pikit matang idinaos
Namingi sa kalam ng tiyan,
Namanhid sa panginginig ng tuhod
Lumipas na ang daluyong
Subalit
Sa bawat hudyat muli’t muling maghahanda
Sa bawat badya, muli’t muling maghahanda
Sa bawat signos, muli’t muling maghahanda
Lumipas na ang daluyong
Ngunit hindi ang takot
May iba nang mukha ang panaginip
Nagsugat ang iniwan ng bangungot
Sinong makakalimot?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment