Sumama ako ngayong umaga sa tatay ko para kunin ang chekeng ibabayad sa mga biktima ng human rights violations noong panahon ni Marcos.
Matindi ang mga naging debate noong mga unang pinag-uusapan ang pagpa-file ng claim at pag sali sa class suit na isasampa sa pinatalsik na diktador noong circa '80.
Naniningil ka ba sa pagsisilbi mo sa bayan? May katapat bang bayad ang pagyurak na ginawa sa mga karapatang pantao?
Ang naging argumento pabor sa pagsasampa ng kaso ay : ito ang magpapatunay na naging laganap ang paglabag at pagyurak sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Marcos sa loob ng 20 anyos na pagkakaupo. Hindi ito tungkol sa kabayaran. Hindi ito tungkol sa pera.
Binibiro pa namin si erpats bago kami umalis ng bahay. "magblow out ka pagkatapos ha! yayaman ka na!"
Habang naghihintay na matawag ang pangalan niya, napansin ni erpats na hawak ng isang lalaki ang ID ni Paula Romero.
Si Nanay Paula, ang ina ni Ka Henry Romero.
Si Ka Henry, isang peryodista, journalista. Isang kasama.
Nakasama si Ka Henry ni erpats sa maagang yugto ng aktibismo, nung nagsisimula palang siya. mas bata siya kay Ka Henry pero kinilala nito ang potential niya. Kasama si Ka Henry sa mga mas nakakatandang kasama na nagpalakas ng loob ni erpats sa tuluyan at puspusang pagkilos.
Sa detensyon noong 1976 sa Camp Vicente Lim sa Laguna na sila muling magkita. Dinatnan na nila erpats at iba pang kasama si Ka Henry sa kulungan. Ilang buwan na siyang nandun, nag-iisa, at walang nakakaalam na nandun siya.
Hindi nagtagal, nakasama si Ka Henry sa pagtakas mula sa kulungan. Kay erpats niya ibinilin ang leather bag na naglalaman ng mga gamit niya. Ipinakiusap lang niya na siguruhing maibalik ito sa kapatid niya.
Ang huling balita ay papunta si Ka Henry sa Gitnang Luzon. Yun na ang huling pagkakataon na may narinig mula at tungkol sa kanya.
Naunang tawagin ang pangalan ni nanay paula. 93 anyos na siya. Sabi ng kasamang pamangkin paminsan minsan nagpapakita siya ng palatandaang nag-uulianin na. Pero malinaw sa kanya ang dalawang bagay. Nang kinausap siya ng taga CHR - si Henry Romero ay anak niya, nawawala at hinahanap niya.
Kasama sa proseso ng pagrerelease ng cheke ang pagkuha ng litrato sa mga claimant hawak hawak ang mga cheke nila. Matapos siyang kunan, naupo ulit si Nanay Paula, at bigla nalang, umiyak. Ilang minuto lang naman. Pero sa aming mga nakakakita, parang hindi gumagalaw ang oras. Ang nakikita namin ay ang pagluha niya mula pa noong dekada 70 nang mawala si Ka Henry.
Tahimik ang pag-iyak ni Nanay Paula. Pero nakakabingi ang sigaw ng damdamin niya. Halos napapahinuhod na umaakap sa braso ng kasamang pamangkin. Humahawak sa kamay ng ilang kasama na pumaligid sa kanya. Siguro, naisip namin, matapos ang halos 4 na dekada, ngayon lang niya naisip, ngayon lang rumehistro sa kanya, malabo na niyang makitang muli ang anak niya.
Hindi ko napigilan. Napasabay ako sa pag-iyak.
Naalala ko ang ilang gabi noong 1976 nang mahuli si erpats kung paano ako nagigising sa pagpalahaw ni mama. Kinakausap lahat ng santo na kilala niya na tulungan siyang hanapin si erpats. Maluka-luka sa pag-aalala na nakasama na si erpats ng mga taong sa listahan nalang makikita.
Hindi pa malalim ang pag-intindi ko noon sa mga bagay. Siguro marami na ring kwento nang panahong iyon ang hindi ko na natatandaan. Ang alam ko lang, sabay sabay kaming umiyak na buong pamilya noong pinuntahan namin si erpats sa detensyon dahil iniwanan din namin siya doon noong umuwi kami ng hapon.
Maraming pang ibang kasama ang nandun sa CHR na nag-iintay matawag ang pangalan nila. Ang ilan ay mga kakilala rin at nakasama sa pagkilos. Ang ilan naman ay mga pamilyar na mukha. Ang lahat may kanya kanyang istorya na siguradong binabalikan din nila. At hindi malayong lahat ay nag-iisip, ano ang magiging kahulugan ng pagtanggap nila ng cheke na ngayon ay hinihintay nila.
Bakas sa mukha ng mga kasama ang paglipas ng panahon. Pinaghalong pekas ng hamon ng pakikibaka, at peklat ng hirap ng buhay. Mga guhit sa mukha na hindi malayong makalimutan sa pagsulat ng kasaysayan.
Nakakatatlong EDSA na. Hindi na pinag-uusapan ang diktaturya. Marami nang di nakasubaybay kung san napunta ang koleksiyon ng sapatos sa Malacanang. Nagbiyak na, at nagkakabiyak biyak pa ang samahan ng kilusang pakikibaka. Maraming kasama ang wala na sa aktibong pagkilos. May ilang naguluhan din sa pagtawag ng mali sa dating tama, at tama sa dating mali nang dahil sa nangyaring pagkakahati hati sa kilusan. At maraming kasama ang hanggang ngayon ay hindi pa nakaka-igpaw sa hirap ng buhay.
Hindi ito tungkol sa kabayaran. Hindi ito tungkol sa pera.
Totoong marami sa mga kasama ang makakahinga nang maluwag ng ilang buwan matapos na makuha ang kabayaran. Siguro, maraming utang ang mababayaran. Maraming obligasyon ang masasagutan. Maraming buntong hininga ang mababawas sa pag-iisip ng bukas.
Pero, hindi ito tungkol sa kabayaran. Hindi ito tungkol sa pera.
Nang kunan ng litrato si erpats, sinigaw ko, "magtaas ka ng kamao. 'pa!"
Hindi ito gatimpala. Hindi ito premyo na napanalunan sa lotto o anumang raffle draw.
Ito ay pagpapatunay na laganap at talamak ang paglabag sa karapatang pantao nang panahon ng diktaturya. Ito ang nagpapatunay na buhay, tao ang mga biktima at hindi lang mga numero ng report at istatistika.
Higit sa cheke, ang hinihintay ng mga kasama ay hustisya. Ang pag-tukoy sa mga may kasalanan. At higit pa sa pag-amin, ang maparusahan ang may mga kasalanan.
Hindi pa tapos ang laban. Hindi pa nakukuha ang ganap na hustisya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Sa katunayan, sa ilalim nang nagsalin salin nang kamao, mas dumadami pa ang nabibiktima, mas dumadami pa ang naghihintay.
Hindi si Ka Henry ang huling journalista na dinukot at pinatay. Hindi huminto sa unang EDSA ang pagsasawalang bahala ng estado sa karapatang pantao. Hindi si erpats ang huling tatawagin sa pagrere-lease ng cheke sa CHR. Hindi pa natutuldukan ang napakaraming kwento.
Hustisya, Katarungan, Pagbabago. Ang mga kasama, dati at bago, ang masa, ang bayan..ngangarap, naghihintay na makamit ang mga ito nang totohanan.
No comments:
Post a Comment